Women’s Month Celebration sa Bayan ng Naic
Naic, Cavite — Isang makulay at masiglang pagdiriwang ang isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng Naic sa Naic Town Plaza bilang bahagi ng Women’s Month Celebration. Tampok sa programa ang Zumba Dance Competition at iba’t ibang performances na nagbigay inspirasyon at sigla sa mga kababaihang Naicqueño.
Sa pangunguna ni Mayor Rommel Magbitang, muling ipinakita ng bayan ang pagkilala sa mahalagang papel ng kababaihan sa paghubog ng isang mas progresibo at inklusibong komunidad. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Magbitang ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagbibigay suporta sa mga kababaihan upang mas lalo pang mapaunlad ang Bayan ng Naic.
“Ang ating mga kababaihan ay haligi ng lipunan. Sa kanilang lakas, talento, at malasakit, patuloy nating nakikita ang pag-angat ng ating bayan. Ang Women’s Month ay paalala na ang kanilang kontribusyon ay dapat laging pahalagahan at ipagdiwang,” ani Mayor Magbitang.
Ang selebrasyon ay hindi lamang nagbigay-aliw kundi nagsilbing plataporma upang ipakita ang talento, galing, at dedikasyon ng mga kababaihan sa iba’t ibang larangan. Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Bayan ng Naic ang pagkakapantay-pantay, pagkilala, at empowerment ng kababaihan. ( CTJ TEAM)
