BATANG HENYO SA ROBOTIKA, KINILALA NG LGU NOVELETA NOVELETA CAVITE –
Sa patuloy na pag-usbong ng makabagong teknolohiya sa Pilipinas, may mga kabataang patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa pamamagitan ng kanilang husay, sipag, at dedikasyon sa larangan ng agham at inobasyon.
Isa sa kanila ay si John Macklein D. Valdez, 18 taong gulang, isang batang henyo at robotics competitor mula sa Barangay San Jose, Noveleta, Cavite. Sa murang edad, ipinamalas niya ang kahusayan sa larangan ng robotics, partikular sa autonomous systems at competitive.
Ang kanyang dedikasyon ay nagbunga ng iba’t ibang parangal sa pambansa at pandaigdigang kompetisyon, na nagpatunay ng kanyang angking galing at determinasyon. Isa sa kanyang pinakamataas na tagumpay ay sa World Robot Games (WRG) Taiwan 2025, kung saan nakamit niya ang 1st Place Gold Medalist sa i-BEAM (Senior category).
Sa parehong kompetisyon, nakakuha rin siya ng 3rd Place sa i-BEAM Battle (Senior) Bracket G, na nagpapakita ng kanyang kakayahang makipagsabayan sa mataas na antas ng international robotics competition. Sa pambansang antas naman, kinilala rin siya sa ROBO Z PHILS. Robotics Innovation Cup 2026, kung saan nakamit niya ang 3rd Place sa Z-Pick Tri-Bot Jockey at 4th Place sa Bracket 3 ZUMO ABot 3kg Autonomous (Upper Division).
Ang mga tagumpay na ito ay patunay ng kanyang patuloy na pag-angat at pagpupunyagi sa larangan ng teknolohiya. Bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa, noong Abril 6, siya ay pinarangalan ng Pamahalaang Bayan ng Noveleta, Cavite sa pangunguna ni Mayor Davey Chua.
Sa kanyang mensahe, buong pagmamalaking sinabi ng alkalde: “Bilang Alkalde ng Bayan ng Noveleta, Cavite, buong puso kong binabati at pinaparangalan si John Macklein D. Valdez sa kanyang natatanging tagumpay sa larangan ng robotics at teknolohiya.
Ang kanyang pagkamit ng karangalan sa World Robot Games at sa iba’t ibang pambansa at internasyonal na kompetisyon ay patunay ng kanyang husay, sipag, at dedikasyon. Ipinagmamalaki ng ating bayan ang mga kabataang tulad niya na hindi lamang umaangat sa sariling kakayahan kundi nagdadala rin ng karangalan sa Noveleta at sa buong Pilipinas.” Dagdag pa niya:
“Ang Pamahalaang Bayan ng Noveleta ay patuloy na susuporta sa mga kabataang may angking talento at potensyal sa agham at teknolohiya. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang kanyang tagumpay sa mas marami pang kabataang Noveletaño na mangarap, magsikap, at magtagumpay. Mabuhay ka, John Macklein D. Valdez.
Ipagpatuloy mo ang iyong magandang nasimulan.” Ang kuwento ni John Macklein D. Valdez ay higit pa sa isang tagumpay sa kompetisyon. Isa itong simbolo ng bagong henerasyon ng mga Pilipinong innovator, mga kabataang handang humarap sa hamon ng makabagong mundo.
Sa bawat tagumpay niya, kasabay ding umaangat ang pangalan ng kanyang bayan at ng Pilipinas sa larangan ng robotics at teknolohiya. Sa huli, siya ay nagsisilbing inspirasyon na ang tunay na tagumpay ay bunga ng sipag, tiyaga, at pangarap na isinasabuhay. (Sid Samaniego)
