Congresswoman Aniela Tolentino, Kaagapay sa Mas Matatag na Kinabukasan ng Tubig at Klima
Tagaytay City, Philippines – Malugod na tinanggap ang mga kalahok sa ika-40 Annual Convention ng Southern Tagalog Association of Water Districts (STAWD) na ginanap sa lungsod ng Tagaytay. Ang pagtitipon ay nagbigay-daan sa mas malalim na talakayan hinggil sa mga hamon at oportunidad sa sektor ng tubig, lalo na sa harap ng lumalalang epekto ng climate change.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Congresswoman Aniela Tolentino ang kahalagahan ng mas matibay na polisiya para sa klima at pamamahala ng tubig. Aniya, ang sektor ng tubig ay pundasyon ng mas ligtas at mas handang kinabukasan, at kinakailangan ang masusing pagtutulungan ng pamahalaan, mga institusyon, at komunidad upang makamit ito.
Dagdag pa ni Congresswoman Tolentino, ang #ATyourservice at #AlagangTolentino ay hindi lamang mga panawagan kundi konkretong patunay ng kanyang dedikasyon sa serbisyo publiko. Ipinahayag niya ang pangako ng patuloy na pakikipagtulungan sa mga water districts upang makabuo ng mga programang nakabatay sa pangmatagalang solusyon para sa klima at tubig.
Ang convention ay nagsilbing plataporma para sa pagbabahagi ng kaalaman mula sa mga eksperto, pagpapalakas ng network ng mga water districts sa rehiyon, at paglalatag ng mga hakbang tungo sa mas matatag na pamamahala ng tubig. Sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng mga lider at stakeholders, mas nagiging matibay ang sektor sa pagharap sa mga hamon ng panahon.
Sa pagtatapos ng pagtitipon, muling pinagtibay ang pagkakaisa ng Southern Tagalog water districts at ang pangako ng pamahalaan, sa pangunguna ni Congresswoman Aniela Tolentino, na magpatuloy sa paglilingkod at pagtatrabaho para sa mas ligtas, mas handa, at mas matatag na kinabukasan. (CTJ Team/Photo courtesy from FB Account)
