CAVITENewsTOURISM

ALAALA NG PAG-IBIG AT KASAYSAYAN: REBULTO NI JOSEPHINE BRACKEN, INALAYAN NG BULAKLAK SA ARAW NG MGA PUSO

Ilang araw bago ang pagdiriwang ng Valentine’s Day, inalayan ng mga on-the-job training (OJT) mula sa Rosario Municipal Tourism Office ang rebulto ni Josephine Bracken na matatagpuan sa Casa Hacienda, Brgy. Tejeros Convention, Rosario, Cavite bilang simbolo ng pag-alaala, paggalang, at pag-ibig sa kasaysayan at kultura.

Ang mga bulaklak na inialay ay hindi karaniwan. Ang mga ito ay sariling likha ng 18 estudyante na kasalukuyang nagsasanay sa tanggapan ng turismo—mga kabataang nagmula sa iba’t ibang paaralan tulad ng City College of Tagaytay, Cavite State University–Indang, Cavite State University–Gen. Trias, at Cavite State University–Silang.

Sa halip na mamahaling bouquet, pinili ng mga estudyante ang handmade flowers, na kanilang binuo nang may tiyaga at malasakit. Para sa kanila, mas mahalaga ang mensahe kaysa halaga, isang alay na nagmumula sa puso at pagkilala sa papel ni Josephine Bracken bilang mahalagang pigura sa kasaysayan at inspirasyon ng wagas na pagmamahal.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Municipal Tourism Officer Ruben Quinto ang kanyang paghanga sa inisyatiba ng mga kabataan: “Nakakatuwa at nakaka-inspire na makita ang ating kabataan na nagbibigay-pugay sa kasaysayan at kultura sa ganitong malikhaing paraan.

 Ang mga bulaklak na ito ay simbolo hindi lamang ng Valentine’s Day kundi pati ng pagmamahal sa bayan at sa ating mga bayani.” Dagdag pa niya: “Ang Casa Hacienda at ang rebulto ni Josephine Bracken ay mahalagang bahagi ng ating lungsod.

Sa pamamagitan ng simpleng alay na ito, natututo ang kabataan ng kahalagahan ng pag-alala sa nakaraan at pagpapahalaga sa turismo, kultura, at kasaysayan ng Casa Hacienda. Sana ito’y magsilbing inspirasyon sa lahat na mahalin hindi lamang ang kapwa kundi pati ang ating bayan.”

Tahimik na inilagay ang mga bulaklak sa paligid ng rebulto habang binigkas ang simpleng pagbati na “Happy Valentine’s Day.” Isang eksenang payak ngunit puno ng damdamin, isang paalala na ang pag-ibig ay hindi lamang para sa romantikong relasyon, kundi pati na rin sa bayan, sa kasaysayan, at sa mga taong nag-iwan ng bakas sa ating pagkatao bilang Pilipino.

Ayon sa mga OJT, ang inisyatibang ito ay hindi lamang bahagi ng selebrasyon ng Valentine’s Day, kundi isang paraan upang ipakita ang pagpapahalaga sa turismo at pamanang kultura ng bayan ng maalamat na bayan ng Rosario.

Ang Casa Hacienda at ang rebulto ni Josephine Bracken ay patuloy na dinarayo ng mga bisita, at nagsisilbing tahimik na saksi sa mga kwento ng nakaraan.

Para sa mga kabataang kalahok, ang munting alay na ito ay nagsilbing paalala na ang tunay na pag-ibig ay may iba’t ibang anyo, pag-ibig sa propesyon.. sa sining… sa kasaysayan… at sa bayan… Sa Araw ng mga Puso, habang ang iba ay nag-aabot ng tsokolate at rosas sa kanilang mga minamahal, may 18 kabataang piniling ialay ang kanilang oras at talento sa isang rebulto at sa likod nito, sa alaala ng isang babaeng minsang nagmahal nang wagas. (Sid Samaniego)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *