AMADEO GRAND FEST EXPO, PORMAL NANG BINUKSAN SA CAVITE Amadeo, Cavite
Pormal nang binuksan ang Amadeo Grand Fest Expo noong Abril 6, 2026 sa pamamagitan ng isang ribbon-cutting ceremony na pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Amadeo sa pangunguna ng lokal na pamahalaan, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite sa pamamagitan ng Office of the Provincial Tourism Officer.
Layunin ng nasabing trade fair na ipakita ang iba’t ibang lokal na produkto mula sa pagkain hanggang sa mga likhang sining bilang suporta sa mga maliliit na negosyante sa bayan.
Bahagi rin ito ng mas malawak na adhikain na itaguyod ang Amadeo bilang sentro ng kalakalan, turismo, at kultura sa lalawigan.
Ayon kay Provincial Tourism Officer Rozelle Sangalang, ang mga ganitong inisyatibo ay nagpapakita ng lakas ng komunidad at nagpapalalim ng pagkakaisa ng mamamayan.
Binigyang-diin din niya na ang Amadeo Grand Fest 2026 ay hindi lamang isang pagdiriwang, kundi isang malinaw na pahayag ng pagkakakilanlan ng bayan. “Ang Amadeo ay isang lugar ng kagandahan, kultura, at oportunidad ngunit higit sa lahat, ito ay isang lugar na may puso,” ani Sangalang.
Inaasahang mas lalong makikilala ang Amadeo sa pamamagitan ng mga ganitong programa na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng lokal na produkto at pagkakaisa ng komunidad.
