SUPORTA NG U.S. SA SANGLEY AIRPORT, PINALAKAS ANG AIRPORT PROJECT SA CAVITE
Nakatakdang pondohan ng United States Trade and Development Agency ang feasibility studies para sa matagal nang planong Sangley Point International Airport sa Cavite, bilang bahagi ng pagsisikap na mapabilis ang pagpapatupad ng proyekto.
Sa inilabas na pahayag nitong Martes, sinabi ng USTDA na sasagutin nito ang mahahalagang teknikal na pag-aaral para sa airport project na itatayo sa dating military base ng Amerika sa Sangley Point.
Kabilang sa mga pagsusuri ang pagtataya sa dami ng magiging pasahero at air traffic, financial analysis, at pagrekomenda ng mga makabagong aviation security system na kakailanganin upang masuportahan ang direktang flights patungo sa mga pangunahing aviation hub sa Estados Unidos. Ayon sa ahensya, layunin din ng feasibility study na hikayatin ang paggamit ng teknolohiyang Amerikano at mga serbisyong may kaugnayan sa airport development.
Kabilang dito ang modernong airport screening systems, telecommunications infrastructure, security equipment, at iba pang construction-related components. Binigyang-diin ni Thomas Hardy ang kahalagahan ng proyekto sa pagpapalakas ng ligtas at episyenteng biyahe sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Aniya, patunay umano ng matibay na ugnayan ng dalawang bansa ang mataas na bilang ng mga direktang biyahero, kaya mahalagang mapaunlad pa ang maayos at ligtas na paggalaw ng mga pasahero.
Bahagi rin ang proyekto ng mas malawak na Luzon Economic Corridor initiative na inilunsad noong 2024 sa pagtutulungan ng Pilipinas, Estados Unidos, at Japan.
Layunin nitong palakasin ang imprastraktura at koneksyon sa pagitan ng Subic, Clark, Maynila, at Batangas upang mapaigting ang economic activity sa Luzon.
Matagal nang itinutulak ang Sangley airport bilang alternatibong international gateway upang makatulong sa pagbawas ng pagsisikip sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA, na nakapagtala ng mahigit 52 milyong pasahero noong 2025.
Gayunman, ilang beses nang naantala ang proyekto dahil sa mga pagbabago sa consortium at mga isyu sa pamamahala.
Sa kabila nito, nananatiling positibo ang pamahalaan at iba’t ibang stakeholder na ang bagong suporta mula sa Estados Unidos ay maaaring magsilbing tulak upang mapabilis ang implementasyon ng Sangley airport project. (Sid Samaniego)
