CAVITEEDUCATIONNews

MAS MATIBAY NA EDUKASYON, ISINUSULONG SILANG, CAVITE

 Nagkaroon ng makabuluhang pagpupulong ang mga opisyal ng pamahalaan upang talakayin ang mga programang pang-edukasyon at mga proyektong makatutulong sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa Bayan ng Silang.

Pinangunahan ni Mayor Ted Carranza ang talakayan kasama sina Department of Education Secretary Sonny Angara, Undersecretary Peter Corvera, Assistant Secretary Aurelio Paulo “AP” Bartolome, Congressman Roy M. Loyola, at Dahlia A. Loyola ng Lungsod ng Carmona. Sa naturang pagpupulong, binigyang-pansin ang pagpapalakas ng mga programang pang-edukasyon sa Silang, partikular ang pagtatayo at rehabilitasyon ng mga school buildings at iba pang pasilidad na magagamit ng mga mag-aaral at guro.

Ayon sa mga opisyal, mahalagang matiyak na may sapat at maayos na pasilidad ang mga paaralan upang mapanatili ang dekalidad na edukasyon at mas ligtas na kapaligiran para sa mga kabataan.

Ipinahayag din ng Department of Education ang kanilang buong suporta sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan upang mas mapabuti pa ang kalagayan ng mga paaralan sa bayan.

Samantala, sinabi ni Mayor Carranza na patuloy ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang maisakatuparan ang mga programang makapagbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa mga Silangueño.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga opisyal ng pamahalaan at ng Department of Education, inaasahang higit pang mapauunlad ang sektor ng edukasyon sa Bayan ng Silang para sa kapakanan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon. (Sid Samaniego)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *