13-ANYOS NA ESTUDYANTE NG CAVITE, NAG-UWI NG 6 NA GOLD MEDALS AT 4 INT’L CHAMP TROPHIES SA MACAU AT HONG KONG
TANZA, Cavite — Muling pinatunayan ng isang kabataang Caviteño na kayang makipagsabayan ng mga Pilipino sa pandaigdigang akademikong entablado matapos magwagi ng anim na Gold Medals at apat na International Championship Trophies sa dalawang prestihiyosong international academic olympiads na ginanap sa Macau at Hong Kong.
Ang 13-anyos na si Kygel Ailenor T. Pasco, isang Grade 8 student ng Ateneo Junior High School at tubong Tanza, Cavite, ay buong pagmamalaking kinatawan ang Pilipinas sa ilalim ng Champions League for Innovation and Learning Inc. (CHAMPLI).
Nakipagtagisan siya sa mga piling estudyante mula sa iba’t ibang bansa sa larangan ng Mathematics, Science, at English.
Unang lumahok si Kygel sa KOALA Excellence Olympiad Global Round na ginanap mula Hulyo 3 hanggang 7, 2026 sa Hotel Royal Macau.
Sa naturang kompetisyon, ipinamalas niya ang pambihirang husay matapos masungkit ang Gold Medal sa Mathematics, Science, at English.
Bukod sa tatlong gintong medalya, ginawaran din siya ng Golden Koala Champion Award Trophy para sa English at Second Place Winner Trophy para sa Science, bilang pagkilala sa kanyang natatanging pagganap sa international finals.
Hindi pa rito nagtapos ang tagumpay ng batang Caviteño. Makalipas lamang ang ilang araw ay muli niyang kinatawan ang bansa sa ADEPT International Olympiad, na ginanap noong Hulyo 11 hanggang 12, 2026 sa The Cityview Hotel sa Hong Kong.
Muli niyang inuwi ang Gold Medal sa Mathematics, Science, at English, kasabay ng pagkakaloob sa kanya ng Premier Achiever Award Trophy sa Mathematics at Premier Achiever Award Trophy sa Science.
Sa kabuuan ng dalawang international competitions, nagtala si Kygel ng kahanga-hangang rekord na anim na Gold Medals at apat na International Championship Trophies, isang patunay ng mataas na antas ng kakayahan ng mga kabataang Pilipino sa pandaigdigang akademikong kompetisyon.
Bukod sa pagiging mahusay sa akademiko, isa rin siyang basketball varsity player ng Ateneo Junior High School, na nagpapakita ng kanyang kakayahang pagsabayin ang pag-aaral at sports.
Ayon sa Champions League for Innovation and Learning Inc. (CHAMPLI), patuloy nilang isinusulong ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga Pilipinong mag-aaral na makalahok sa mga kinikilalang international academic olympiads at iba pang educational programs na humuhubog sa kahusayan, inobasyon, pamumuno, at pandaigdigang pakikipagtulungan.
Ang tagumpay ni Kygel ay nagsisilbing inspirasyon sa maraming kabataang Pilipino na mangarap nang mas mataas, magsikap sa kanilang pag-aaral, at buong pagmamalaking irepresenta ang Pilipinas sa mga pandaigdigang kompetisyon.
MGA NAGING PARANGAL NI KYGEL AILENOR T. PASCO
KOALA Excellence Olympiad Global Round – Macau
Gold Medal – Mathematics
Gold Medal – Science
Gold Medal – English
Golden Koala Champion Award Trophy – English
Second Place Winner Trophy – Science
ADEPT International Olympiad – Hong Kong
Gold Medal – Mathematics
Gold Medal – Science
Gold Medal – English
Premier Achiever Award Trophy – Mathematics
Premier Achiever Award Trophy – Science
Kabuuang Napanalunan:
6 Gold Medals
4 International Championship Trophies
