BAGONG DMW SATELLITE OFFICE PARA SA MGA OFW, BINUKSAN SA CAVITE
BACOOR CITY, CAVITE — Mas pinadali na para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW), mga naghahanda para magtrabaho sa ibang bansa, at kanilang pamilya ang pag-access sa mga serbisyo ng gobyerno matapos pormal na buksan ng Department of Migrant Workers Regional Office IV-A (DMW 4A) ang bago nitong Bacoor Satellite Office noong Agosto 20, 2026.
Matatagpuan ang tanggapan sa 3rd Floor, Government Service Express ng SM City Bacoor, na nagsisilbing karagdagang service point ng DMW upang mailapit sa mga residente ng Cavite at karatig-lugar ang mahahalagang programa at serbisyo para sa mga migranteng manggagawa.
Dumalo sa inauguration ceremony sina Bacoor City Mayor Strike B. Revilla, Cavite 2nd District Representative Lani M. Revilla, Agimat Party-list Representative Bryan B. Revilla, na siya ring Chairperson ng House Committee on Overseas Workers Affairs, at Bacoor City Department Head I at PESO Manager Dr. Abraham Domingo De Castro.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Rep. Bryan Revilla ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga serbisyong mas malapit at mas madaling maabot ng mga migranteng manggagawa at kanilang pamilya.
Bilang pinuno ng House Committee on Overseas Workers Affairs, ipinahayag din niya ang kanyang patuloy na suporta sa mga polisiya at programa na naglalayong pangalagaan ang karapatan, kapakanan at seguridad ng mga OFW, na patuloy na nagbibigay ng malaking ambag sa ekonomiya ng bansa.
Sa pamamagitan ng bagong satellite office, mas madali nang makalalapit ang mga OFW at aspiring migrant workers para sa iba’t ibang serbisyo ng DMW, kabilang ang employment facilitation, welfare assistance, reintegration programs, at iba pang programa ng ahensya.
Itinuturing naman ng DMW 4A ang pagbubukas ng tanggapan bilang bahagi ng patuloy nitong hakbang upang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo sa CALABARZON, partikular sa mga lugar na may malaking bilang ng mga Pilipinong naghahangad o kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa seremonya, binigyang-diin din ng mga opisyal ang kahalagahan ng pagtutulungan ng national government agencies, local government units at iba pang stakeholders upang mas mahusay na matugunan ang mga pangangailangan ng OFWs at kanilang mga pamilya.
Ang pagbubukas ng DMW Bacoor Satellite Office ay hindi lamang dagdag na tanggapan ng gobyerno kundi isang hakbang upang matiyak na hindi kailangang lumayo ng mga migranteng manggagawa para lamang makahingi ng tulong, impormasyon at serbisyo.
Sa paglalapit ng DMW sa komunidad, layunin nitong maipadama sa bawat OFW at kanilang pamilya na may pamahalaang handang umagapay, bago sila mangibang-bansa, habang sila ay nagtatrabaho roon, at maging sa kanilang pagbabalik sa sariling bayan.
