CAVITEHealthNews

CAVITE CITY MEDCARE, UMABOT NA SA 800 LIGTAS NA PANGANGANAK MULA 2022

CAVITE CITY — Umabot na sa 800 sanggol ang ligtas na ipinanganak sa Cavite City MeDCare mula nang buksan ito noong 2022, ayon sa pamahalaang lungsod.

Ang bilang na ito ay itinuturing na mahalagang milestone sa patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa lungsod. Bago itatag ang MeDCare, karaniwan umanong gumagastos ng hindi bababa sa ₱15,000 ang mga pamilyang Caviteño para sa panganganak sa mga pribadong lying-in clinics.

Dahil sa kakulangan ng abot-kayang alternatibo, marami ang nahihirapang makakuha ng ligtas at maayos na maternal care. Sa kasalukuyan, libre na ang panganganak sa Cavite City MeDCare para sa lahat ng Caviteño, na nagbigay ng malaking ginhawa sa mga ina at kanilang pamilya.

Ayon sa pamahalaang lungsod, bukod sa libreng serbisyo, sinisiguro rin ng pasilidad ang sapat na kagamitan at presensya ng mga lisensiyadong health professionals upang matiyak ang kaligtasan ng mag-ina.

Ang nasabing programa ay bahagi ng serye ng mga reporma sa health care system ng Lungsod ng Cavite sa ilalim ng pamumuno ng Team Unlad, na layong palawakin ang access ng mamamayan sa serbisyong medikal, lalo na para sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng panganganak at agarang lunas.

Samantala, inihayag din ng lungsod na inaantabayanan na lamang ang paglabas ng License to Operate mula sa Department of Health (DOH) upang ganap na makilala ang Cavite City MeDCare bilang isang Level 1 Hospital.

Kapag naaprubahan, inaasahang magsisimula na itong tumanggap ng mga pasyenteng mangangailangan ng confinement para sa mga sakit tulad ng dengue, pneumonia, at iba pang karaniwang karamdaman.

Ayon sa pamahalaang lungsod, patuloy pa rin ang mga hakbang upang higit pang mapalakas ang serbisyong medikal sa Cavite City bilang bahagi ng layunin nitong tiyakin ang ligtas, abot-kaya, at de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng mamamayan.  (Sid Samaniego)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *