HealthNATIONALNews

PhilHealth GAMOT, Matagumpay na Inilunsad sa Region 4A

LUCENA CITY – Isang mahalagang bahagi ng pagpapalawak ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ang GAMOT o Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment upang makumpleto ang mga serbisyo sa ilalim ng YAKAP at maseguro ang pangangalaga sa kalusugan ng bawat pamilyang Pilipino habang binabawasan ang gastusing medikal.

Pinangunahan ni DOH Seretary Ted Herbosa, kasama si PhilHealth President and CEO, Dr. Edwin M. Mercado, Quezon Governor Helen Tan at PhilHealth Regional Office IVA Acting RVP, Dr. Edwin M. Oriña ang PhilHealth GAMOT launching sa Region 4A noong Pebrero 27, 2026 sa Quezon Convention Center upang maisakatuparan ang pangako sa ilalim ng Universal Health Care.

Nagsilbing Keynote Speaker si Secretary Herbosa sa naturang launching kung saan sinabi niya na ang naturang launching ay kaugnay sa direktiba ni President Bongbong Marcos  na gawing accessible ang gamot sa lahat ng Pilipino.  Ayon pa sa kanya, “no Filipino should be denied treatment due to high cost of medicines”.  And that the “PhilHealth GAMOT addresses this gap, ensuring that treatment is not delayed or even stopped.”

Binigyang diin din ni PhilHealth President at CEO, Dr. Edwin M. Mercado na “patuloy pang pinaiigting ang sistema at implementasyon ng YAKAP at GAMOT upang bigyang prayoridad ang agarang pagpapatingin, aktibong pag-iwas sa karamdaman at walang patid na pangangalaga sa kalusugan para ang bawat Pilipino ay malayo sa sakit.  Ibig sabihin, hindi na kakailanganin pang ma- ospital upang maramdaman ang alaga ng pamahalaan.”

Sa ilalim ng PhilHealth GAMOT, ang mga miyembro at kanilang mga dependent ay maaari nang makakuha ng hanggang ₱20,000 halaga ng outpatient medicines kada taon. Kabilang dito ang 54 na uri ng specialized medicines para sa mga kondisyon tulad ng diabetes, hypertension, at asthma. Samantala, mananatili namang available ang 21 essential medicines sa ilalim ng YAKAP sa mga akreditadong YAKAP clinics sa buong bansa.

Patuloy naman ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa YAKAP,  na ayon kay Governor Tan na kasagutan sa “Pangarap natin sa Pilipino, nasaan man sila na lugar dito sa ating bansa, sa panahon ng pangangailangan, mayroon silang masusulingan, especially on health, anumang estado ng buhay. At ito na po yung bahagi ng katuparan ng pangarap natin ng Universal Health Care Law na kahit mahirap ka, kinakalinga ka ng Gobyerno.”

Upang maipakita kung paano magagamit ng miyembro ang PhilHealth YAKAP, nagkaroon din ng walkthrough sa proseso ng YAKAP hanggang sa dispensing ng GAMOT sa tulong ng QPHN-QMC at St. Hildegard Pharmacy.

Sa kasalukuyan, mayroong 256 YAKAP providers sa Region 4A, kung saan 187 dito ay YAKAP – ready facilities at nakapag comply sa readiness requirements ng PhilHealth.  Samantala, mayroong 129 PhilHealth GAMOT pharmacies sa rehiyon na handang mag-dispense ng gamot sa mga miyembro.

Ipinaaalala ng PhilHealth na ang pagpili ng YAKAP provider ay maaaring gawin sa eGovPH mobile app o sa alinmang PhilHealth Local Health Insurance Office. Ang pagpili ng klinika ay magbibigay ng agarang access sa mga serbisyong pangkalusugan at benepisyo ng GAMOT, upang ang bawat pamilya ay manatiling “malayo sa sakit.”###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *