NewsNATIONAL

BAGONG HEPE NG PULIS SA CALABARZON, ITINALAGA

May bago nang mamumuno sa Police Regional Office CALABARZON (PRO-4A) matapos italaga si Brigadier General Hansel Marantan bilang bagong Regional Director ng rehiyon epektibo nitong Lunes, Marso 9, 2026.

Batay sa inilabas na General Orders No. NHQ-GO-DES-2026-1126 ng Philippine National Police Directorate for Personnel and Records Management, pormal nang itinalaga si Marantan upang pamunuan ang operasyon ng pulisya sa buong CALABARZON.

Bago ang kanyang bagong posisyon, nagsilbi si Marantan bilang Director ng PNP Highway Patrol Group (HPG). Sa kanyang pamumuno, pangangasiwaan niya ang police operations sa limang lalawigan ng rehiyon na kinabibilangan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.

Isinagawa ang pormal na turnover ceremony sa Camp Crame kung saan personal na iniabot ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Corpuz Nartatez Jr. ang simboliko ng watawat ng pamumuno kay Marantan bilang tanda ng opisyal na paglilipat ng liderato.

Nasaksihan din ang seremonya ni outgoing Regional Director PBGen Paul Kenneth Lucas na itinalaga naman bilang bagong Director ng PNP Special Action Force (SAF).

Samantala, ang papalit kay Marantan sa Highway Patrol Group ay si Brigadier General Jessie Tamayao, na dating Executive Officer ng PNP Directorate for Police Community Relations.

Si Lucas naman ang papalit kay Maj. Gen. Mark Pespes bilang pinuno ng elite police unit matapos ang pagreretiro nito kamakailan.

Ayon sa PNP, bahagi ang mga bagong pagtatalaga sa patuloy na reorganisasyon ng kapulisan upang mas mapalakas ang police operations, mapahusay ang pamumuno, at higit pang mapabuti ang serbisyo sa publiko sa buong bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *