PNPA ‘SILANG-PAGLAOM’ CLASS 2026, 326 BAGONG TINYENTE IPINAKALAT NA SA KALYE
Isang makasaysayang araw ang nasaksihan sa Camp Crame matapos pormal na tanggapin sa hanay ng Philippine National Police ang 326 bagong Police Lieutenants mula sa PNPA “SILANG-PAGLAOM” Class of 2026.
Pinangunahan mismo ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang engrandeng Donning of Ranks at Badge of Honor Ceremony kung saan personal niyang isinabit ang ranggo at parangal sa mga bagong opisyal, hudyat ng kanilang pagiging ganap na tagapagsilbi ng bayan.
Sa kanyang talumpati, pinatindi ni Nartatez ang mensahe: hindi pagtatapos ang seremonya kundi simula pa lamang ng mas mabigat na responsibilidad. “Hindi na ito training, totoong buhay na ito.
Dito nasusubok ang tapang at integridad ninyo,” diin ng PNP Chief. Iginiit din niya na ang badge na kanilang suot ay hindi simbolo ng kapangyarihan kundi pananagutan sa mamamayan.
Samantala, sa kabila ng kinakaharap na isyu ng PNPA kaugnay sa hazing, tiniyak ng pamunuan na paiigtingin ang reporma upang masigurong disiplinado at propesyonal ang mga susunod na henerasyon ng pulis.
Agad namang ikakalat sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga bagong tinyente. Kabilang sa kanilang destinasyon ang Special Action Force at iba’t ibang Police Regional Offices sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ayon kay Nartatez, ang tunay na laban ng mga bagong opisyal ay magsisimula sa lansangan, malayo sa palakpakan at medalya. “Wala nang applause sa labas. Ang haharap sa inyo ay ang taumbayan—umaasa at nagbabantay,” paalala niya. Sa pagtatapos, nagpaabot ng buong tiwala ang PNP Chief sa kakayahan ng “SILANG-PAGLAOM” Class. “Hindi kayo pinili para maging ordinaryo, pinili kayo para maging halimbawa”.
Sa kanilang pagsabak sa tungkulin, bitbit ng 326 bagong tinyente ang hamon na patunayan na sila ang bagong pag-asa ng bayan. (Sid Samaniego)
