PAGHAHANDA PARA SA NATIONAL FLAG DAYS, SINIMULAN NA SA IMUS IMUS CAVITE
Bilang bahagi ng paghahanda sa paggunita ng National Flag Days ngayong Mayo 28, 2026, sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang paglalagay ng mga watawat ng Pilipinas sa mga pangunahing lansangan at pampublikong lugar sa lungsod.
Ang pagdiriwang ay nagbibigay-pugay sa makasaysayang papel ng Imus sa kasaysayan ng bansa. Sa pagkilala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), kinikilala ang Imus bilang “Flag Capital of the Philippines” dahil dito unang iwinagayway ang watawat ng Pilipinas matapos ang tagumpay ng mga Pilipino laban sa mga Kastila sa makasaysayang Battle of Alapan noong Mayo 28, 1898.
Ang nasabing tagumpay ang naging daan tungo sa deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898. Sa pamamagitan ng paglalagay ng mga watawat sa buong lungsod, muling pinapaalalahanan ang bawat Imuseño sa kahalagahan ng pagkakaisa, pagmamahal sa bayan, at pagpapahalaga sa kasaysayan ng bansa. (Sid Samaniego)
