PhilHealth Regional Office IV-A, Nakibahagi sa Brigada Eskwela 2025 ng DepEd
Bilang suporta sa Brigada Eskwela 2025 ng Department of Education (DepEd), nagsagawa ang mga Local Health Insurance Offices (LHIOs) ng PhilHealth Regional Office IV-A (PRO IV-A) ng serye ng aktibidad sa iba’t ibang bayan at lungsod sa rehiyon. Layon ng mga aktibidad na ito na palakasin ang kaalaman ng publiko tungkol sa PhilHealth at Universal Health Care (UHC), at mapalapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad, lalo na sa mga paaralan. Sa pagbubukas ng Brigada Eskwela na may temang, “Sama-Sama Para sa Bayang Bumabasa,” nagsagawa ang LHIO Calamba ng oryentasyon hinggil sa PhilHealth Konsulta Package at First Patient Encounter (FPE) para sa mga guro at kawani ng DepEd sa mga lungsod ng Sta. Rosa at Calamba.
Samantala, aktibong lumahok ang LHIO Gumaca sa Brigada Eskwela Kick-Off sa Danlagan Elementary School, Padre Burgos, Quezon. Tampok sa aktibidad ang pagpapaliwanag ukol sa UHC, mga benepisyo ng PhilHealth, at proseso ng pag-avail ng Konsulta Package. Namahagi rin sila ng mga registration forms, flyers, at iba pang impormasyon. Isinabay ng Rural Health Unit (RHU) ng Padre Burgos ang onsite Konsulta registration at FPE para sa mga magulang at mag-aaral na dumalo. Nagbigay rin ng oryentasyon ang LHIO Gumaca sa mga magulang, guro, at stakeholders sa Maligaya Integrated National High School sa Atimonan, Quezon noong araw ding iyon.
Nakibahagi naman ang LHIO Lucena, katuwang ang FOD Membership Section at PCARES, sa Division Brigada Eskwela Kick-Off ng City Schools Division sa Kalumpang Elementary School, Lucena West I Elementary School at Quezon National Highschool sa Lucena City, Luis Palad Integrated High School sa Tayabas City, Lutucan Integrated National High School sa Sariaya, Quezon at Dapdap Integrated School, Tayabas City para sa sabayang oryentasyon tungkol sa pagiging miyembro ng PhilHealth, mga benepisyo, proseso ng pag-avail, at Konsulta Package para sa mga magulang, mag-aaral, punong-guro, at opisyal ng Division Office. Nagsagawa din dito ng onsite registration, updating ng records, at pamamahagi ng Member Data Records (MDRs) at PhilHealth IDs.
Samantala, lumahok ang LHIO San Pablo City sa Joint Region IV-A CALABARZON at Schools Division Office (SDO) sa Luisiana Town Plaza, Luisiana, Laguna at sa pagbubukas ng Brigada Eskwela sa Unson Elementary School in Pagsanjan, Laguna. Dito ay isinagawa ang oryentasyon at walkthrough ukol sa PhilHealth Konsulta upang lalong mapalalim ang pag-unawa ng mga kalahok sa kahalagahan ng kalusugan at serbisyong pangkalusugan
Nakipagpulong ang LHIO Dasmariñas City sa School Principals ng New Era National High School at Paliparan National High School para sa Learner’s Registration Activity kasabay ng BrigadaEskwela dito, gayundin sa City Schools Division ng Bacoor para sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa PhilHealth Konsulta Package.
Ang LHIO Trece Martires City naman ay nakipag-usap na kanilang DepEd Division Offices para sa pagsasagawa ng katulad na mga aktibidad. Ibinahagi rin nila ang mga pinakabagong impormasyon tungkol sa UHC at mga benepisyong handog ng PhilHealth.
Sa kabuuan, pinagtibay ng mga gawaing ito ang layunin ng PhilHealth na mapalawak ang saklaw ng serbisyo at matiyak na bawat pamilyang Pilipino ay may sapat na kaalaman at akses sa mga serbisyong pangkalusugan. ###RFV