CAVITENewsPROVINCIAL

Governor Abeng Remulla, Nagpahayag ng Suporta sa Edukasyon at Seguridad sa Lalawigan ng Cavite

Trece Martires City, Cavite — Patuloy ang malasakit at aktibong pakikipag-ugnayan ni Governor Abeng Remulla sa iba’t ibang sektor sa lalawigan, sa layuning mapalalim ang kooperasyon tungo sa dekalidad na edukasyon at matatag na seguridad para sa mga Caviteño.

Kamakailan, personal na sinalubong ni Governor Remulla ang mga kinatawan ng Cavite State University – Trece Martires City Campus sa isang makabuluhang courtesy call sa Kapitolyo. Sa naturang pagpupulong, ipinaabot ng gobernador ang kanyang buong suporta para sa mga guro at mag-aaral ng unibersidad, at tiniyak ang patuloy na pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan at sektor ng edukasyon.

“Taos-puso akong nagpapasalamat sa Cavite State University – Trece Martires City para sa kanilang pagdalaw. Ikinagalak kong makasama ang mga kinatawan ng paaralan at maiparating ang aking buong suporta sa mga guro at mag-aaral. Sa pagtutulungan, patuloy tayong magsusulong ng dekalidad na edukasyon at maagap na serbisyo para sa lalawigan ng Cavite,” pahayag ni Governor Remulla.

Bukod sa larangan ng edukasyon, binigyang-pansin rin ng gobernador ang usapin ng kapayapaan at kaayusan, sa pamamagitan ng isang makabuluhang pakikipagpulong kay Lt. Col. Mark Jason Gatdula ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Cavite. Sa kanilang dayalogo, pinagtibay ang ugnayan ng pamahalaan at law enforcement agencies upang mas mapalakas ang kampanya laban sa kriminalidad at mapanatili ang katahimikan sa lalawigan.

“Isa itong mahalagang pagkakataon upang pagtibayin ang ugnayan tungo sa kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan,” dagdag ng gobernador.

Sa pamumuno ni Governor Abeng Remulla, nananatiling prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite ang pag-unlad ng edukasyon, kaligtasan ng bawat mamamayan, at maagap na serbisyo publiko—mga haliging nagbibigay ng matibay na pundasyon sa lalawigang patuloy na umaangat at nagkakaisa. (Kuha sa FBpage)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *