CAVITEEDUCATIONNews

DSWD, Lokal na Pamahalaan, at Cong. Jolo Revilla: Magkatuwang sa Pag-abot ng Pangarap ng Kabataan sa Rosario

Rosario, Cavite — Isang makabuluhang hakbang tungo sa mas maliwanag na kinabukasan ang isinagawa ngayong araw sa bayan ng Rosario. Sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang lokal na pamahalaan at ang opisina ni Congressman Jolo Revilla, naipamahagi ang Cash Assistance for Education sa mga piling paaralan ng distrito.

Ang distribusyon ng ayuda ay ginanap sa Ligtong Elementary School para sa mga magulang mula Brgy. Ligtong 1-4, at sa D.P. Jimenez Elementary School para sa mga benepisyaryo mula Wawa 1-3. Ang mga tumanggap ng tulong ay mga magulang at guardians ng Grades 1-12 public school students, na nagsusumikap na maitaguyod ang edukasyon ng kanilang mga anak.

Kasama sa aktibidad si Vice Mayor Bamm Gonzales, na nagpahayag ng suporta sa programa. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Congressman Jolo Revilla na ang edukasyon ang pinakamahalagang puhunan para sa kinabukasan ng kabataan.  

“Ang ating mga kabataan ang tunay na pag-asa ng bayan. Sa tulong ng DSWD at ng ating lokal na pamahalaan, mas marami tayong magulang na matutulungan upang maitaguyod ang pangarap ng kanilang mga anak. Ang bawat Iskolar ng Bayan ay simbolo ng mas maliwanag na kinabukasan para sa Cavite,” ani Congressman Revilla.

Ang programang ito ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng pambansang ahensya, lokal na pamahalaan, at mga lider ng distrito upang matiyak na walang batang Caviteño ang maiiwan sa larangan ng edukasyon. (CTJ Team) 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *