IMUS CITY JAIL, WAGI SA BJMP CALABARZON AWARDS; 7 PARANGAL NAIUWI
IMUS CITY, Cavite — Muling ipinamalas ng Imus City Jail ang husay at dedikasyon sa serbisyo matapos itong mag-uwi ng pitong (7) prestihiyosong parangal mula sa BJMP Regional Office CALABARZON, kabilang ang tatlong (3) Individual Awards at apat (4) na Unit Awards para sa kanilang natatanging pagganap.
Ipinahayag ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Mayor Alex “AA” Advincula, ang taos-pusong pagbati sa mga opisyal at kawani ng Imus City Jail sa kanilang panibagong tagumpay na nagbibigay ng karangalan hindi lamang sa kanilang tanggapan kundi sa buong lungsod.
Sa pamumuno ni JCINSP Charles Kenneth M. Maquera, Warden ng Imus City Jail Male Dormitory, nakamit ng kanilang yunit ang mga sumusunod na pagkilala, Best in Logistical Linkages, Best Food Service Unit in Cavite Province, at Best Escorting Unit sa Type B Jail Category.
Bukod dito, kinilala rin si JO1 Roselynette M. Cosico bilang Best Helpdesk Officer sa Type B Jail Category dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa tungkulin.
Samantala, sa ilalim ng pamumuno ni SJO4 Elvie A. Dela Cruz, Warden ng Imus City Jail Female Dormitory, nasungkit din ng kanilang yunit ang mahahalagang pagkilala.
Itinanghal si SJO4 Dela Cruz bilang 2nd Best Performing Female Dormitory para sa 1st Quarter, habang si JO1 Angel Mae Bautista ay kinilalang Best Custodial Officer sa Type C Jail Category. Naiuwi rin ng Female Dormitory ang Best Escorting Unit sa Type C Jail Category.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Imus, ang mga parangal na ito ay bunga ng sama-samang dedikasyon, disiplina, at tapat na paglilingkod ng bawat miyembro ng Imus City Jail.
Patunay rin umano ito na ang mahusay na pamumuno at pagkakaisa ay nagbubunga ng de-kalidad na serbisyo publiko.
Sa pagtatapos, muling binati ng lokal na pamahalaan ang lahat ng mga awardee at hinikayat ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang mahusay na paglilingkod bilang inspirasyon sa kapwa lingkod-bayan at patuloy na magbigay ng karangalan sa Lungsod ng Imus.
