Lalawigan ng Bulacan, pinarangalan ng ginto sa 11th CLExAH
LUNGSOD NG MALOLOS– Nasungkit ng Lalawigan ng Bulacan ang prestihiyosong 2024 Health Champion-Gold Award na may P500,000 perang gantimpala sa ginanap na 11th Central Luzon Excellence Awards for Health (CLExAH) sa Royce Hotel, Clark, Pampanga kahapon.
Sa kanyang mensahe ng pagtanggap, hindi mapigilan ni Gobernador Daniel R. Fernando na magbalik-tanaw sa pandemyang COVID-19 at kung paano bumangon ang lalawigan sa mga pagsubok na dala nito.
“Sumiklab ang diwa ng bayanihan. We fought as one, we healed as one. Fast forward to 2025, tangan ang mahahalagang aral ng pandemya, patuloy na nangunguna ang Bulacan sa makabagong reporma sa kalusugan para sa kapakanan ng bawat mamamayan,” anang gobernador.
Masayang ibinahagi ng People’s Governor na kinikilala ang Bulacan bilang aktibong universal healthcare integration site, at patuloy na pinapabuti ang Bulacan Medical Center at siyam na district hospitals na pinangangasiwaan nito na may makabagong teknolohiya at mga pasilidad.
“Kaisa po tayo ng pamahalaang nasyunal sa pagsulong ng kalusugan para sa lahat. Ito ang sentro ng ating misyon, ang diwa ng ating tungkulin, at ang pangarap natin para sa bawat pamilyang Bulakenyo,” dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Fernando ang saya sa iba pang lokal na pamahalaan sa Bulacan na kinilala rin sa kaparehong programa, kabilang ang Lungsod ng San Jose del Monte na nakasungkit rin ng ginto, Bayan ng Plaridel na nakakuha ng silver, at ang Bayan ng Santa Maria na tumanggap ng bronze award, na nagpapatunay sa kolektibong pangako ng kahusayan sa rehiyon.
Gayundin, kabilang sa iba pang lokal na pamahalaan na nagpamalas ng kakaibang lakas sa rehiyon, at nakakuha ng nangungunang pwesto sa 11th CLExAH ang Angat at Guiguinto sa Top 4; Hagonoy, Bulakan, at Doña Remedios Trinidad sa Top 5; Lungsod ng Baliwag sa Top 7; Obando, Norzagaray, at Balagtas sa Top 8; Bustos sa Top 9; at Marilao sa Top 10.
Pinararangalan ng CLExAH ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang matatag na pangako sa pagtataguyod at pagprotekta sa kalusugan ng mga mamamayan ng Gitnang Luzon, at kanilang natatanging pagganap tungo sa pagkamit ng mga hangarin ng Universal Health Care.
