EVENTHealthNews

PhilHealth Regional Office IV-A, nakilahok sa Pahiyas Festival at Arana’t Baluarte Festival

Lucban and Gumaca, Quezon — May 15, 2025 — Sa makulay na pagdiriwang ng kapistahan ni San Isidro Labrador-ang patron ng magsasaka, lumahok ang PhilHealth Regional Office IV-A (PRO IV-A) sa dalawang kilalang pista sa lalawigan ng Quezon: ang Pahiyas Festival sa Lucban at ang Arana’t Baluarte Festival sa Gumaca. Ang sabayang pakikilahok na ito ay patunay ng dedikasyon ng PhilHealth na palakasin ang presensya nito at itaas ang kamalayan ng miyembro tungkol sa mga programa at benepisyo nito sa makahulugang paraan.

Sa Lucban, ang grupo mula sa Local Health Insurance Office (LHIO) Lucena at regional office ay nakiisa sa libu-libong lokal at turista sa makulay na Pahiyas Festival.

Ang Pahiyas Festival ay kilala sa mga tahanang may makukulay na dekorasyong gawa sa mga ani, kiping (hugis-dahon na wafer mula sa bigas), at mga lokal na handicrafts. Ang mga makukulay na dekorasyon ay simbolo ng pasasalamat para sa masaganang ani, kung saan bawat tahanan ay nagpapakita ang kanilang sining at pagkamalikhain.

Bukod sa pakikilahok sa parada, naglagay ang LHIO Lucena ng information booth mula May 14-15, 2025 upang magbigay ng tulong sa pagpaparehistro ng mga nais maging miyembro, pag-update ng records ng mga miyembro na, at pagbibigay ng impormasyon tungkol sa benepisyo, kabilang ang PhilHealth Konsulta Package.

Samantala sa Gumaca, aktibong nakilahok ang mga kawani ng LHIO Gumaca at regional office sa Arana’t Baluarte Festival, na kilala sa natatanging tradisyon ng pagsabit ng mga palamuti mula sa prutas at katutubong pagkain sa mga baluarte. Bilang bahagi ng selebrasyon, naglagay din ng information booth ang LHIO Gumaca na nagsimula pa noong May 13, 2025 kung saan namahagi sila ng flyers sa mga taong pumunta sa pagdiriwang upang ipaalam sa kanila ang mga programa at serbisyong ipinagkakaloob ng PhilHealth. Ito din ay naging daan para tumugon sa mga katanungan ukol sa pagpapamiyembro, updating ng records, at iba pang nais nilang malaman sa PhilHealth.

Sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga lokal na tradisyon at kasayahan, pinagtitibay ng PRO IV-A ang layunin nitong mapadali ang pag-access sa serbisyo ng PhilHealth at maipalaganap ang impormasyon sa mga miyembro nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *