NewsNATIONAL

CALABARZON HANGAD ANG KATAHIMIKAN SA PAGBABALIK NI MARANTAN

Isang pangalan ang muling nagpapayanig sa mundo ng krimen, si PBGEN Hansel Marantan. Sa kanyang pagbabalik bilang hepe ng pulisya sa Region IV-A, tila biglang naglaho ang dating sigla ng mga sindikato.

 Mula sa oil smuggling sa mga baybaying lugar hanggang sa illegal gambling sa mga probinsya, sunod-sunod ang ulat na “tumigil” o “nag-low profile” ang operasyon. “Parang may dumaan na bagyo—biglang tahimik,” ani ng isang source. “Kahit wala pang aktwal na operasyon, umatras na sila.” Tinaguriang “Marantan Effect,” ang pangyayaring ito ay patunay umano ng matinding reputasyon ng opisyal, isang lider na hindi kayang tapatan ng areglo o lagayan.

BUHAY NA PARANG BUKAS NA LIBRO Hindi lingid sa publiko ang makulay at kontrobersyal na buhay ni Marantan. Isa sa pinakamalaking kabanata nito ang madugong engkwentro sa Atimonan, Quezon, kung saan 13 umano’y miyembro ng sindikato ang napatay.

Ang insidenteng ito ang nagdala sa kanya sa sentro ng imbestigasyon—nasuspinde, kinasuhan, at kinuwestyon.

Ngunit sa kabila ng lahat, muli siyang bumangon. Ang kanyang pagbabalik sa serbisyo ay naging simbolo ng kanyang matibay na paninindigan—isang opisyal na hindi umatras sa gitna ng kontrobersya at patuloy na lumalaban kontra krimen.

Para sa kanyang mga kritiko, nananatili ang mga tanong. Para sa kanyang mga tagasuporta, sapat ang kanyang reputasyon bilang matapang at walang kinatatakutan.

SALO-SALO SA MEDIA, DIRETSAHAN ANG MENSAHE Lalong naging usap-usapan ang kanyang pagbabalik matapos ang isang gabing salu-salo kasama ang Cavite Press Corps at mga media practitioners ng CALABARZON na ginanap kamakailan. (Sid Samaniego)

 Sa naturang pagtitipon, naging diretsahan ang mensahe ni Marantan laban sa krimen at lalo na laban sa tiwaling pulis. Ayon sa mga dumalo, walang paligoy-ligoy ang kanyang pahayag: tigilan ang ilegal na gawain o harapin ang konsekwensya. BABALA: PATI TIWALING PULIS, TARGET Hindi lang mga sindikato ang target ng kanyang kampanya.

May malinaw din siyang babala sa loob ng kapulisan, ang mga sangkot sa proteksyon ng ilegal na operasyon ay hindi ligtas sa kanyang pamumuno. Sa isang sistemang matagal nang binabatikos dahil sa korapsyon, ang ganitong paninindigan ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago—kung ito ay magtutuloy-tuloy.

TAHIMIK NGAYON… PERO HANGGANG KAILAN? Sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang kakaibang katahimikan sa CALABARZON—isang bagay na matagal nang hindi nararanasan sa rehiyon. Ngunit ayon sa mga eksperto, ang takot ay pansamantala lamang.

Ang tunay na laban ay nasa pagpapatuloy ng operasyon, pagpapatibay ng sistema, at paniniguro na hindi na muling makakabangon ang mga sindikato. Sa ngayon, isang bagay ang hindi maikakaila:

Ang buhay ni Hansel Marantan ay isang bukas na libro at sa bawat pahinang kanyang sinusulat, kasabay nitong nagbabago ang takbo ng laban kontra krimen sa CALABARZON.

At habang patuloy ang kanyang pagbabalik, nananatiling ang tanong ng bayan ay ito na nga ba ang simula ng tunay na paglilinis… o panibagong kabanata lamang ng isang matinding laban?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *