CAVITEEDUCATIONEVENTNews

RISA SA CvSU GRADUATES: ‘HINDI KAILANGANG MAGING MAYAMAN PARA MAKAPAG-AMBAG SA BAYAN’

TANZA, CAVITE — Hinikayat ni Senadora Risa Hontiveros ang mga bagong nagsipagtapos sa Cavite State University (CvSU)-Tanza Campus na mangarap, magtagumpay at huwag kalimutang magmalasakit sa bayan.
Sa kanyang mensahe para sa CvSU-Tanza Campus Class of 2026, sinabi ni Hontiveros na bago harapin ng mga graduate ang trabaho, board examination at iba pang hamon sa buhay, dapat muna nilang ipagmalaki ang kanilang narating.


Ayon sa senadora, ang araw ng pagtatapos ay isang mahalagang patunay na kaya nilang harapin at malampasan ang mga pagsubok.


“Kaya ko ba? May lugar ba ako dito? Oo naman! May lugar kayo dito sa Pilipinas,” ani Hontiveros.
Hinimok din niya ang mga bagong graduate na gamitin ang kanilang edukasyon at mga pangarap upang makapagtayo ng magandang kinabukasan para sa kanilang sarili at pamilya.
“Mangarap rin kayo. Magtagumpay kayo. Kumita nang maayos. Alagaan ang pamilya at bumuo ng buhay na proud kayong tawaging sa inyo,” mensahe ng senadora.


Gayunman, binigyang-diin ni Hontiveros na hindi dapat mawala ang malasakit sa bayan habang umaangat sa buhay.

Aniya, hindi kailangang maging mayaman o matagumpay muna ang isang tao bago makapag-ambag sa Pilipinas.


“Hindi ninyo kailangang maging mayaman o matagumpay bago kayo makapag-ambag sa bayan. Kasama na kayo ngayon,” aniya.


Sa huli, hinamon ng senadora ang Class of 2026 na dalhin saan man sila mapunta ang pagpapahalaga sa katotohanan, serbisyo at pagmamalasakit sa kapwa.


“Go far. Do well. Show up for the truth. And of course, make us proud!” dagdag ni Hontiveros.
Muli niyang binati ang mga nagsipagtapos at hiniling na magsilbing inspirasyon sa kanilang pamilya at komunidad ang kanilang tagumpay.
“Mabuhay, Cavite State University graduates!”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *