CALAX kinilala sa mga programa sa turismo at Kalikasan sa South Luzon
Ang Cavite-Laguna Expressway (CALAX), isang concession toll road na pinamamahalaan ng Metro Pacific Tollways South, ay tumanggap ng dalawang prestihiyosong parangal kamakailan—ang Cavite Tourism Excellence Award mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite at ang Green Award mula sa Pamahalaang Lungsod ng Sta. Rosa—bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng CALAX sa sektor ng turismo at pangangalaga sa kalikasan sa Timog Luzon.
Ang Cavite Tourism Excellence Award ay iginagawad bilang pagkilala sa mga organisasyon na sumusuporta sa industriya ng turismo sa lalawigan ng Cavite. Pinarangalan ang CALAX ng isang plake ng pagkilala bilang pangmatagalang katuwang sa pagsusulong ng turismo sa rehiyon. Bahagi ito ng kanilang adbokasiya sa turismo sa ilalim ng programang Biyaheng South, na naglunsad kamakailan ng Cavite Tourism Passport, isang malikhaing inisyatiba na hinihikayat ang mga biyahero na tuklasin ang iba’t ibang destinasyong panturismo sa rehiyon. Sa pamamagitan ng booklet na katulad ng isang pasaporte, maaaring mangolekta ng ‘stamp’ ang mga kalahok mula sa mga partner na tourist spots at establisyimento habang naglalakbay sa Cavite. Ang tagumpay ng proyektong ito ay tumutulong sa paglago ng ekonomiya ng rehiyon, at nagpapalakas sa mga natatagong yaman at pamanang kultural ng lalawigan.
Bukod dito, pinarangalan din ang CALAX bilang Sustainable Development Partner sa Green Awards ng Pamahalaang Lungsod ng Sta. Rosa, kung saan kinikilala ang mga organisasyon at indibidwal na may makabuluhang ambag sa pangangalaga ng kalikasan. Ang dedikasyon ng CALAX sa kalikasan ay makikita mismo sa kanilang expressway, na kilala bilang isang “green expressway” dahil sa paggamit ng renewable energy at disenyo na isinama sa kalikasan. Ito ay patunay ng kanilang pagsusumikap na bawasan ang carbon footprint habang pinapaganda ang karanasan sa pagmamaneho ng mga motorista. Ang award na ito ay kinikilala rin ang aktibong partisipasyon ng CALAX sa mga proyektong pangkalikasan tulad ng Linis Barangay campaign, mga aktibidad ng pagtatanim ng puno, at pakikilahok sa taunang International Coastal Cleanup.
““It is an honor to be recognized for our contributions to both tourism and environmental sustainability in South Luzon. We recognize that our responsibility extends beyond mobility—it’s about creating a gateway to new opportunities and a better future for the communities we serve ani ni Arlette V. Capistrano, Vice President for Communication and Stakeholder Management ng MPT South.
Ang mga parangal na ito ay nagpapatibay sa dedikasyon ng CALAX sa pagsusulong ng sustainability at pagsuporta sa turismo para sa pag-unlad ng rehiyon. Pinatutunayan nito ang kanilang layunin na bumuo ng isang mas sustainable at konektadong hinaharap para sa Timog Luzon.
About CALAX:
Ang CALAX ay isa sa mga concession toll road ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC). Bukod dito, kabilang rin sa domestic portfolio ng MPTC ang Manila-Cavite Expressway (CAVITEX), North Luzon Expressway (NLEX), NLEX Connector Road, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) sa Cebu.