Tatlong Panukalang Batas ni Cong. Lani M. Revilla, Lusot na sa Ikatlong Pagbasa sa Kongreso
Isang makabuluhang tagumpay ang naabot ni Congresswoman Lani M. Revilla matapos pumasa sa ikatlong pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang tatlo sa kanyang pangunahing panukalang batas. Ang mga ito ay naglalayong tugunan ang mga hamon sa urban development, edukasyon sa liblib na lugar, at access sa pribadong basic education—mga isyung may direktang epekto sa kabuhayan at kinabukasan ng bawat Pilipino.
Unang nakalusot ang House Bill No. 4757 o ang Sustainable Cities and Communities Act, na layong gawing inklusibo ang paggamit ng urban spaces para sa pabahay, kabuhayan, at access sa basic services. Kasama rin sa layunin ng panukala ang pagpapabuti ng pampublikong transportasyon, pangangalaga sa mga ecosystem, at mas epektibong pamamahala sa mga panganib dulot ng climate change at kalamidad.
Pumasa rin ang House Bill No. 4745, na nagtataguyod ng Last Mile Schools para sa mga mag-aaral sa Geographically Isolated and Disadvantaged and Conflict-Affected Areas (GIDCA). Sa pamamagitan ng panukalang ito, isinusulong ni Cong. Lani ang karapatan ng bawat batang Pilipino na makapag-aral, anuman ang lokasyon o kalagayan, upang mabigyan sila ng pantay na oportunidad sa edukasyon.
Samantala, ang House Bill No. 4744 o ang Private Basic Education Vouchers Assistance Act ay naglalayong palawakin ang saklaw ng voucher assistance para sa mga mag-aaral sa pribadong basic education. Mula kindergarten hanggang senior high school, mas maraming kabataan ang makikinabang sa programang ito, na nagbibigay ng mas malawak na access sa dekalidad na edukasyon.
Tiniyak ni Congresswoman Lani M. Revilla na kanyang babantayan ang pag-usad ng mga panukalang ito sa Senado hanggang sa tuluyang maisabatas. Kilala bilang “Ate Lani,” patuloy siyang nagsusulong ng mga batas na may malasakit at konkretong solusyon sa mga pangangailangan ng mamamayan.
Ang pagpasa ng mga panukalang ito ay patunay ng kanyang dedikasyon sa #AlagangAteLani—isang pamumuno na inuuna ang serbisyo, kalinga, at kinabukasan ng bayan. Sa tulong ng mga batas na ito, inaasahang mas magiging inklusibo, edukado, at ligtas ang Pilipinas para sa lahat.
