BAYAN NG ROSARIO, PINARANGALAN SA PAGSUSULONG NG DEKALIDAD NA EDUKASYON
ROSARIO, CAVITE — Patuloy na kinikilala ang Bayan ng Rosario dahil sa matagumpay nitong pagsusulong ng dekalidad na edukasyon at matibay na suporta sa mga paaralan sa bayan.
Kamakailan lamang ay ginawaran ng pagkilala si Mayor Jose Voltaire Ricafrente bilang “Natatanging Pinuno ng Bayan” sa ginanap na Agapay 2026 Stakeholder Summit and State of Division Address na idinaos sa Tanza Oasis Hotel and Resort.
Tinanggap ni Vice Mayor Bamm Gonzales ang naturang parangal bilang kinatawan ng punong-bayan.
Ayon sa mga opisyal, ang nasabing pagkilala ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng Lokal na Pamahalaan ng Rosario na mapalakas ang ugnayan at pakikipagtulungan sa mga paaralang nasasakupan.
Layunin nitong makapaghatid ng mas maayos, makabago, at dekalidad na edukasyon para sa bawat kabataang taga-Rosario.
Ipinahayag din ng lokal na pamahalaan ang kanilang pasasalamat sa mga guro, magulang, at iba pang stakeholders na katuwang sa pagtataguyod ng mga programang pang-edukasyon sa bayan.
Samantala, nananatiling committed ang pamahalaang bayan sa pagpapatuloy ng mga programang magbibigay ng mas maliwanag na kinabukasan para sa mga mag-aaral at mamamayan ng Rosario.
“Sama-sama para sa mas maliwanag na kinabukasan ng edukasyon sa Bayan ng Rosario,” ayon sa mensahe ng lokal na pamahalaan.
