Itinaas ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang Watawat, unang Lunes ng taon Enero
Sinalubong din ng ama ng Lungsod ng Imus, City Mayor Alex “AA” L. Advincula, ang bagong taon na may panibagong pag-asa dahil sa magandang potensyal na dala-dala nito sa bansa, partikular na sa Imus.
Sa pagdagsa ng mga Imuseño sa New Imus City Government Center, hiniling din niya sa mga kawani na salubungin sila nang may ngiti at paglingkuran nang may malasakit.
Para sa alkalde, importante ang pagkakaroon ng malasakit sa bayan, lalo na sa lipunan, para sa kaunlaran nito. Kaya’t mahalagang mapatunayan at maiparamdam sa mga Imuseñong may gobyernong umaalalay at sumusuporta sa kanila, higit sa mga pangangailangan nila.
Sa muling pagbubukas ng Electronic Business One-stop Shop (eBOSS), hangad ng alkalde na mapabilis pa ang pakikipagtransaksyon ng mga mamamayan sa pamahalaan, maging sa iba pang serbisyong ibinibigay nito.
Malugod ding sinalubong ni Mayor AA si Department of the Interior and Local Government Regional Director Danilo Nobleza sa kaniyang pagbisita sa Lungsod ng Imus.
Pinasalamatan din niya si Rev. Fr. Carlito Laureta na nanguna sa panalangin ngayong umaga. Hinikayat din niya ang mga empleyado na maging kaisa sa pagdiriwang ng National Bible Month 2025.
Naniniwala si Mayor AA na kapag malapit sa Diyos ay malapit din ang mga biyaya.
Nagpasalamat din siya sa suporta, pakikiisa, at patuloy na pagpupursigi ng mga empleyado para sa mahal na Lungsod ng Imus.
Samantala, inanunsyo rin ngayong umaga ang mga cluster at barangay na nagwagi sa BaranGAYAK Inter-Cluster Barangay Christmas Decorating Contest.
Nanguna na rito ang Cluster 6 na nakapag-uwi ng P70,000. Sinundan naman ito ng Cluster 1 na ginawaran ng P60,000 at ng Cluster 9 na tinanggap ang P50,000.
Pinarangalan din ng special award at ng P10,000 ang mga barangay Maharlika, Magdalo, Malagasang 2-A, at Alapan 1-C dahil sa kanilang mga masining at natatanging dekorasyon.