PUGAY TAGUMPAY 2025: Isang Pagpupugay sa 990 Graduates ng 4Ps!
Isang makasaysayang araw ng tagumpay at pag-asa ang ginanap sa Lungsod ng Trece Martires para sa 990 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na matagumpay na nagtapos sa ilalim ng programang ito.
Sa pangunguna ni Mayor Gemma Lubigan, katuwang sina Vice Mayor Bobby Montehermoso at Konsehal Sting Montehermoso, Chairperson ng Committee on Social Services, ipinagdiwang ang tagumpay ng mga pamilyang nagsumikap at nagsikap upang makatawid sa kahirapan. Muling tinanggap ni Mayor Lubigan ang punla ng pag-asa isang simbolo ng kanyang patuloy na suporta sa mga programang pangkaunlaran ng 4Ps at sa mga benepisyaryong patuloy na nangangarap ng mas magandang kinabukasan.
Tampok din sa programa ang One Stop Shop, kung saan nakibahagi ang iba’t ibang partner agencies upang maghatid ng mga serbisyo para sa mga exited 4Ps o miyembro ng Samahan ng mga Nakatawid sa Pantawid (SNP). Isa itong konkretong hakbang ng lokal na pamahalaan upang masigurong tuloy-tuloy ang suporta sa mga pamilyang nagsisimula ng panibagong yugto sa kanilang buhay.
Bilang bahagi ng selebrasyon, namahagi rin ang pamahalaang lungsod ng 990 sako ng bigas (3kg bawat isa) para sa lahat ng nagsipagtapos isang simpleng handog na may dalang malaking halaga para sa bawat pamilyang Pilipino.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Gemma Lubigan ang kahalagahan ng pagkakaisa, determinasyon, at malasakit sa kapwa. Aniya, “Ang pagtatapos ng 4Ps ay hindi katapusan, kundi simula ng panibagong paglalakbay tungo sa mas maunlad na buhay. Kasama ninyo ang Pamahalaang Lungsod ng Trece Martires sa bawat hakbang.”
Muli, isang mainit na pagbati sa Batch 2025 ng 4Ps! Nawa’y magsilbing inspirasyon ang inyong tagumpay sa mas marami pang pamilyang Pilipino. #Bagong Trece, Puso ng Cavite, Lungsod ng Pag-Asa!
