CAVITEEVENTNews

DALAWANG BANDA MULA SA CAVITE, KAUNA-UNAHANG BANDA MUSIKO MULA SA ASYA NA NAGTANGHAL SA FRANCE

BACOOR CITY, Cavite – Isang makasaysayang tagumpay ang naitala ng Banda El Gobernador at United Musicians of Bacoor matapos maging kauna-unahang mga banda musiko mula sa Asya na nagtanghal sa prestihiyosong Bandafolie’s Festival sa Bessines-sur-Gartempe, France.

Sa unang araw ng festival, matagumpay na isinagawa ng dalawang banda ang kanilang preliminary indoor at outdoor performances, kung saan ipinamalas nila ang kahusayan sa pagtugtog at ang mayamang tradisyon ng musikang Pilipino sa harap ng mga manonood mula sa iba’t ibang bansa.

Mula sa mga lansangan hanggang sa pangunahing entablado ng festival, ipinarinig ng Banda El Gobernador at United Musicians of Bacoor ang natatanging talento ng mga musikero ng Bacoor.

Mainit na tinanggap ng internasyonal na audience ang kanilang pagtatanghal na naging simbolo ng husay at dedikasyon ng mga Pilipinong musikero.

Ang kanilang paglahok sa Bandafolie’s Festival ay isang mahalagang tagumpay hindi lamang para sa Lungsod ng Bacoor kundi para sa buong Pilipinas, dahil sila ang kauna-unahang mga banda musiko mula sa Asya na nabigyan ng pagkakataong magtanghal sa naturang festival sa France.

Ang Bandafolie’s Festival ay isang linggong pagdiriwang ng musika at kultura na pinagdarausan ng mga banda mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa pamamagitan ng makasaysayang paglahok ng dalawang banda ng Bacoor, muling napatunayan na ang talento at galing ng mga Pilipino ay kinikilala at pinapalakpakan sa pandaigdigang entablado.

Patuloy namang ipinagmamalaki ng Bacoor ang tagumpay ng Banda El Gobernador at United Musicians of Bacoor, na nagdala ng karangalan sa lungsod at sa buong bansa sa kanilang makasaysayang pagtatanghal sa France ( M. Figueras)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *