DICT IT-BPM Roadshow at Mega Job Fair, Matagumpay na Idinaos sa GenTri; Mayor Jonjon Ferrer, Nanguna sa Pagtutulak ng Makabagong Oportunidad
General Trias, Cavite — Nagtipon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor sa unang araw ng DICT Focus Group Discussion (FGD) at IT-BPM Roadshow na ginanap sa Robinsons General Trias, layuning palakasin ang Information Technology – Business Process Management (IT-BPM) ecosystem sa lungsod.
Pinangunahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang talakayan na nilahukan ng mga eksperto, stakeholders, at lokal na opisyal upang tukuyin ang mga hakbang sa pagpapalawak ng digital infrastructure, pagsasanay sa kabataan, at paglikha ng mas maraming oportunidad sa larangan ng teknolohiya.
Sa ikalawang araw ng aktibidad, libu-libong GenTriseños ang dumagsa sa Mega Job Fair, kung saan 19 na lokal na kumpanya ang nag-alok ng trabaho on the spot, partikular sa larangan ng digital services at IT-BPM. Ang nasabing job fair ay naging daan upang makahanap ng trabaho ang maraming residente, lalo na ang mga bagong graduate at career shifters.
Ayon kay Mayor jonjon Ferrer, ang tagumpay ng kaganapan ay patunay ng lumalawak na oportunidad sa GenTri. “Sa tulong ng DICT at ng ating mga katuwang na kumpanya, patuloy nating binubuksan ang pinto para sa mas maraming trabaho at kaalaman sa teknolohiya para sa ating mga kababayan,” ani Mayor Ferrer.
Dagdag pa niya, ang suporta ng lokal na pamahalaan sa mga inisyatibong tulad nito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng programang #AlagangGenTriAlagangFerrer—isang adbokasiyang nakatuon sa pag-unlad ng bawat GenTriseño sa makabagong panahon.
Ang matagumpay na pagsasagawa ng DICT FGD at IT-BPM Roadshow ay nagpapakita ng matibay na ugnayan ng pamahalaan, pribadong sektor, at komunidad sa pagtataguyod ng inobasyon at inklusibong pag-unlad sa lungsod ng General Trias.
