CAVITENews

MERALCO, NAGPASIMULA NG BAGONG SUBSTATION SA CAVITE PARA SA MAS MATATAG NA SUPPLAY NG KURYENTE

Inaasahang magiging mas maayos at mas maaasahan ang serbisyo ng kuryente sa ilang bahagi ng Cavite matapos pormal na i-energize ng Manila Electric Company (Meralco) ang bagong Island Cove Gas Insulated Switchgear (GIS) Substation.

Ayon sa Meralco, ang proyekto ay bahagi ng patuloy na modernisasyon at pagpapalakas ng kanilang distribution system upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente sa lalawigan.

 Layunin din nitong mabawasan ang mga power interruption at mapabuti ang kalidad ng suplay para sa mga residential at commercial na konsyumer. Ang bagong substation ay may 83-megavolt amperes (MVA) na power transformer bank at modernong 115-kV at 34.5-kV GIS equipment. Idinisenyo ito upang suportahan ang patuloy na pagtaas ng konsumo habang pinapanatili ang katatagan at seguridad ng power supply.

 Saklaw ng mas pinahusay na distribusyon ng kuryente ang mga lungsod at bayan ng Bacoor, Imus, Kawit, Noveleta, at Rosario—mga lugar na patuloy ang mabilis na urbanisasyon at paglago ng ekonomiya.

Kabilang sa mga pangunahing makikinabang sa proyekto ang Bacoor City Hall, Evo City ng Ayala Land Inc., SM City Bacoor, Cavite Medical Center, at Binakayan Hospital and Medical Center, na inaasahang makakaranas ng mas maaasahang serbisyo ng kuryente. Giit ng Meralco, ang naturang hakbang ay bahagi ng kanilang mas malawak na plano upang suportahan ang pag-unlad ng Cavite at iba pang growth areas.

Sa patuloy na pagtaas ng demand sa kuryente, patuloy din ang kumpanya sa pagdaragdag ng imprastraktura upang masigurong tuloy-tuloy at ligtas ang serbisyo para sa mga konsyumer. (Sid Samaniego)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *