SY 2026–2027, MAGSISIMULA SA HUNYO 8, TATLONG-TERM NA SISTEMA IPAPATUPAD
Inanunsyo ni Education Secretary Sonny Angara na opisyal na magbubukas ang School Year (SY) 2026–2027 sa Hunyo 8 sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) ng bagong tatlong-term na school calendar. Nilagdaan ni Angara noong Abril 16 ang DepEd Order No. 009, Series of 2026 na naglalaman ng mga alituntunin para sa implementasyon ng nasabing akademikong kalendaryo.
Layunin umano ng bagong sistema na mas mapabuti ang distribusyon ng mga araw ng pasok at pahinga ng mga mag-aaral at guro. Ayon sa kalihim, ang SY 2026–2027 ay magtatapos sa Abril 8, 2027.
Sa ilalim ng tatlong-term na sistema, hahatiin ang buong taon ng pag-aaral sa tatlong bahagi upang magkaroon ng mas balanseng iskedyul ng akademikong gawain.
Dagdag pa ni Angara, inaasahan ng DepEd na makatutulong ang pagbabagong ito upang maiwasan ang matinding pagod ng mga estudyante at guro, at mapahusay ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Samantala, patuloy na hinihikayat ng DepEd ang mga paaralan at lokal na pamahalaan na makipagtulungan upang matiyak ang maayos na implementasyon ng bagong school calendar.
Maglalabas pa ng karagdagang detalye ang ahensya hinggil sa eksaktong iskedyul ng bawat termino at mga bakasyon sa mga susunod na linggo. (CTJ TEAM)
