Cavite Cong. Jolo Revilla isinusulong, panukalang batas wakasan ang ‘Endo’
Isinusulong ni Cavite 1st District Representative Jolo Revilla ang panukalang batas na naglalayong wakasan ang sistemang “Endo” o End-of-Contract.
Sa kanyang inihain na House Bill No. 79 o ang Security of Tenure Act, layong ipagbawal ang labor-only contracting at tuldukan ang mga End-of-Contract schemes.
Ayon sa panukala, lahat ng trabaho ay dapat ituring na regular na posisyon, maliban na lamang kung mayroong malinaw at lehitimong dahilan para sa kontraktuwal na pagkuha ng empleyado.
Magtatakda rin ito ng mahigpit na pamantayan para sa mga lehitimong kontraktuwal na kaayusan at ipagbabawal ang fixed-term employment na ginagamit upang iwasan ang regularisasyon.
Giit ni Revilla na panahon na upang wakasan ang mga hindi makatarungang nakasanayan sa paggawa.
Aniya, ang House bill ay tungo sa trabahong may dignidad at seguridad at hindi kontra sa mga negosyo.
Naniniwala rin ang Cavite solon na sa pagkakaloob ng patas na pagtrato at seguridad sa hanapbuhay ay magdudulot ng tapat, masipag, at produktibong manggagawa makakapag-ambag sa pag-unlad ng ekonomiya.