CAVITENewsScience and Technology

DOST-Cavite, katuwang sa paglulungsad ng Farm Business School sa Indang para sa mas matatag na kabuhayan ng magsasaka

(By Marielle P. Nueva)

INDANG, Cavite — Pormal nang inilunsad ang Farm Business School (FBS) kasabay ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa Indang Municipal Hall noong Abril 15, 2026, bilang bahagi ng inisyatiba ng DAR Cavite Provincial Office para sa Daine 1 & 2 Farmers Association, Inc., katuwang ang Department of Science and Technology (DOST) Cavite at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni DOST Cavite Provincial Director Gilda S. De Jesus ang mahalagang papel ng agham at teknolohiya sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga magsasaka. Aniya, hindi lamang dapat nakatuon sa produksyon kundi pati sa pagpapahusay ng kalidad ng produkto at paglikha ng dagdag na kita mula sa mga by-product, kung saan handa ang DOST na magbigay ng kaukulang teknolohiya at kagamitan—libre—sa mga benepisyaryo. “Hindi tayo mabubuhay kung wala ang ating mga magsasaka, kaya’t patuloy ang aming suporta,” aniya.

Ayon naman kay DAR Cavite Provincial Director III James Arthur T. Dubongco, ang FBS ay magsisilbing tulay upang mapalawak ang kaalaman ng mga magsasaka sa agribusiness, lalo na yaong hindi nakapagtapos ng pormal na edukasyon, upang mapaunlad ang kanilang ani at kabuhayan. Sinang-ayunan ito ni Indang Mayor Virgilio “Vergel” F. Fidel, na nagbigay-diin sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga programang magpapalakas sa sektor ng agrikultura.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang pamunuan ng Daine 1 & 2 Farmers Association, Inc. sa pangunguna ni Rodrigo N. Medrano, na umaasang magpapatuloy ang ganitong mga programa upang mapalakas ang food security at kabuhayan ng mga magsasaka.

Sa ilalim ng MOA na nilagdaan noong Abril 15, inaasahang sisimulan ang implementasyon ng FBS ngayong darating na Mayo bilang hakbang tungo sa mas makabago at matatag na agrikultura.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *