AGOS NG PANANAMPALATAYA, SINING NG ISANG CAVITEÑO PARA SA POONG HESUS NAZARENO
May mga sining na ipinapakita lamang sa mata, at may mga sining na dahan-dahang bumababa sa puso.
Ang mga likha ng 40 anyos na si Nathaniel San Pedro, mula sa Brgy. Pasong Camachile, General Trias City, Cavite, ay kabilang sa huli. Ang kaniyang sining ay hindi naghahangad ng papuri bagkus ito ay isang panata ng isang anyo ng pananampalatayang hindi kailangang isigaw sapagkat ito’y taimtim na isinasabuhay.
Ang kaniyang obrang “Agos ng Pananampalataya” ay hindi lamang paglalarawan ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno. Ito ay isang sama-samang paghinga ng milyun-milyong deboto ng isang dagat ng katawan, pawis, luha, at panalangin na nagsasanib sa iisang layunin: ang kumapit sa pananampalataya kahit masakit, kahit mahirap, kahit hindi tiyak ang bukas.
Sa lawak nitong 4 x 3 metro, gamit ang acrylic on canvas, tila hindi sapat ang espasyo upang ikulong ang damdaming nais nitong ihayag. Sinimulan niya ito noong Mayo 12 at tinapos noong Hulyo 14, 2025, sa loob ng halos dalawang buwang hindi lamang pisikal na paglikha kundi espirituwal na pakikipagbuno.
Ang bawat kulay ay may bigat. Ang bawat guhit ay tila may kasamang bulong ng panalangin. Para kay Nathaniel, ang prosesong ito ay parang isang mahabang nobena ng paghihintay at pagtitiwala na may mga araw na mabagal ang kamay, may mga gabing tahimik ang isip, ngunit laging may paniniwalang may saysay ang pagtitiyaga.
Ang kaniyang paglalakbay ay hinubog ng sakripisyo ng pamilya. Ang kaniyang ina, isang OFW sa loob ng mahigit dalawang dekada, ay isang tahimik na bayani na malayo sa tahanan ngunit malapit sa dasal.
Ang kaniyang ama naman ay dating school driver, ay nagpakilala sa kaniya ng dignidad ng simpleng trabaho at dangal ng araw-araw ng pagsusumikap. Sa pagitan ng kawalan at pag-asa, doon unti-unting nahubog ang isang artistang marunong umunawa sa hirap ng tao ng isang kakayahang hindi natututuhan sa akademya kundi sa buhay mismo.
Pitong taong gulang pa lamang si Nathaniel nang unang makaramdam ng tawag ng sining. Habang ang iba’y naglalaro, siya’y gumuguhit na subalit hindi pa malinaw ang anyo, ngunit malinaw na ang damdamin.
Bagama’t nagtapos siya ng Psychology sa Our Lady of Fatima University, pinili rin niyang tahakin ang Fine Arts, pinagsasama ang pag-unawa sa loob ng tao at ang kakayahang ilabas ito sa anyo ng kulay at hugis.
Taong 2019, tuluyan niyang niyakap ang buhay bilang full-time artist, kasabay ng malinaw na paninindigang ialay ang kaniyang talento sa sining na may pananampalataya bilang ugat.
Karamihan sa kaniyang mga likha ay religious paintings, hindi bilang dekorasyon kundi bilang salamin ng panalangin.
Ang kaniyang unang oil painting sa larangang ito ay ang “Dolorosa (Inang nagdadalamhati)” noong 2019 ay hindi lamang larawan ng dalamhati, kundi pagninilay sa katahimikan ng isang Inang nagdurusa ngunit patuloy na nagtitiwala. Dito nagsimulang maging mas personal ang kaniyang sining na hindi na lamang paglikha, kundi pakikipagtagpo.
Higit sa lahat, si Nathaniel ay isang santero-camarero na isang lingkod na hindi nasa gitna ng pansin.
Siya ay aktibong naglilingkod sa Simbahan ng Our Lady of the Abandoned sa Sta. Ana, Manila, at tuwing Disyembre 8, sa Pista ng Immaculada Concepcion sa Saint Augustine Parish Church sa Tanza, Cavite, muli niyang pinipili ang katahimikan ng paglilingkod kaysa liwanag ng entablado. Sa mga sandaling ito, ang artist ay nagiging deboto at ang pintor ay nagiging alipin ng pananampalataya.
Para kay Nathaniel San Pedro, ang sining ay hindi hiwalay sa buhay. Ito ay dasal na walang salita, panatang walang ingay, at paniniwalang patuloy na umaagos kahit hindi napapansin. Sa kaniyang mga obra, hindi lamang kulay ang makikita kundi ang kaluluwang patuloy na kumakapit, patuloy na naglilingkod, at patuloy na nananampalataya.
Ang “Agos ng Pananampalataya” ay hindi nagtatapos sa canvas. Ito ay nagpapatuloy sa bawat debotong nananalangin, sa bawat Caviteñong nagmamalaki, at sa bawat pusong marunong maniwala kahit sa gitna ng dilim.
AGOS NG PANANAMPALATAYA, SINING NG ISANG CAVITEÑO PARA SA POONG HESUS NAZARENO
ni sid samaniego
